Isa itong kwento na pilit pabalik-balik sa aking hinagap, at kahit ano ang gawin ko para kalimutan, talaga yatang nakatatak na sa puso ko't isipan. Ito'y kwento ng isang batang babae na nakilala ko mula pa ng pagkabata.
Madalas sa kalagitnaan ng aking malalim na pag-iisip, dumadalaw siya. Araw-araw na lang yata nagkikita kami. Madalas niyang ikwento ang mga bagay na nangyari sa kaniya, pati na rin ang mga bagay na kasalukuyan niyang sinasapit. Gusto kong umiwas sa pakikinig, pero gaya ng sabi niya, walang ibang nagtitiyaga sa kwento niya kundi ako lang. Kadalasan ay umiiyak siya sa harap ko, bagay na laging dumudurog sa akin.
Sa edad na 3 taong gulang ay natuto siyang mabuhay sa sarili niyang mundo. Hindi siya ulila, buhay ang kaniyang mga magulang, pero halos lahat ng araw ng kaniyang buhay pakiramdam niya ay nag-iisa siya. Bilang isang bata, marami siyang kinatatakutan at walang naroon para magpalakas sa kaniya. Sa murang edad ay natuto siyang manalangin sa Dios, sa pag-asang tanging Siya lang ang matatakbuhan niya sa panahon ng kaniyang pangangailangan.
Balot ng takot, pangamba, at kabalisahan ang mga araw ng kaniyang kabataan. Nararamdaman ko ito tuwing lalapit siya sa akin at sisimulang muli ang kaniyang kwento na milyong beses ko na yatang narinig. Pero hindi nagbabago ang takot na nakikita ko sa kaniyang mata. Gusto ko siyang tulungan, pero anong magagawa ko? Wala na akong paraan para baguhin ang nakaraan niya, ang maaari ko na lang sigurong gawin ay maging magandang bahagi ng kaniyang kasalukuyan, at maging ng kaniyang hinaharap.
Sampung taong gulang siya nang simulan niyang tanungin ang sarili, "Ano ang halaga ng buhay?" Nagsimula siyang mamangha sa buhay na taglay ng tao. Gusto niyang malaman kung saan ito nagmumula. "Wala namang baterya ang tao, paano sila nabubuhay," ang malalim na tanong niya sa kaniyang sarili habang nakatitig sa mga taong dumaraan. Mula noon, naging paborito niyang panoorin at babasahin ang lahat ng bagay na tumutukoy sa buhay ng tao, ang bawat hirap na kanilang pinagdadaanan, at kung paano nila ito nalalampasan. Sa bagay na ito, lubos siyang humahanga.
Hindi maikakailang sa kaniyang murang edad ay natutunan niyang makisalamuha sa buhay. Natutunan niyang maging masaya sa gitna ng kaniyang kalungkutan. Madalas nga ay pinipilit niyang ngumiti sa harap ko. Hindi niya dapat ginagawa iyon, dahil nararamdaman ko ang nararamdaman niya; hindi niya iyon maaaring itago sa akin. Hindi niya kailangang magkunwari para sabihin kong masaya siya sa kabila nang alam kong hindi.
Ikalabing-apat na taon niya - isa sa pinakamasaya taon ng kaniyang buhay. Sa taong ito nalaman niya ang sagot sa kaniyang katanungang – "Ano ang halaga ng buhay at saan ito nagmumula?" Sa gulang niyang ito nakilala niya si Bro. Eli, ang Iglesia, ang tunay na aral, at higit sa lahat ang Dios. Napakasaya niya; walang mapagsidlan ng kaniyang tuwa. Sa bagay na ito, lubos din akong nagalak para sa kaniya.
Maraming tungkulin ang naiatang sa kanya sa Iglesia, ngunit ang higit niyang pinakaingatan upang huwag niyang maiwala ay ang pinakadakilang tungkulin na ayon kay Bro. Eli ay higit pa sa tungkulin ng presidente – ang maging isang manggagawa. May mga pagkakataon na rin siyang nadapa at halos maiwala niya ang bagay na kaniyang pinakaiingatan, ngunit lagi siyang tinutulungan ng Dios para makabangon.
Labing-anim na taon siya nang maiatang sa kaniya ang tungkuling matagal niyang inasam, ngunit laging kinatatakutan – ang maging isang manggagawa ng Dios. Halos hindi na niya maramdaman na nasa mura pa siyang edad. Nalimutan niya ang paglalaro; ang lagi na lang niyang isinasaisip ay ang maglingkod, wala nang iba pa. Masaya na siya, kuntento sa mga bagay na kaniyang nakamit, at hinihiling na sana'y mamatay siyang hawak ang mga bagay na nasa kaniya sa kasalukuyan.
Sa wakas ay nakita ko ring masaya siya habang nagkukuwento sa akin. Nanginginang ang kaniyang mata at nasasalamin ang ngiti sa kaniyang labi. Pero sa mga piling panahon, hindi pa rin niya maiwasang maalala ang mga bagay ng kaniyang pagkabata, kahit anong payo ang gawin ko sa kaniya.
Kausap ko siya ngayon, oo siya nga, ang batang laman ng aking kwento. Ambilis ng panahon, parang kailan lang musmos pa siya. Pero tuwing titingin ako sa salamin at mamasdan ang aking repleksiyon, may ngiti kong nasasabi, "Anlaki na pala niya."
June 13, 2006
***
No comments:
Post a Comment