Isang lalake ang nakaupo sa swing na madalas puntahan ni Neli kapag gusto niyang mapag-isa.
"Sino ka?" Ang nagtatakang tanong niya sa lalake. Nahihiwagaan siya sa lalakeng ito. Paano niya nalaman ang lugar na iyon samantalang si Neli lang naman ang tanging pumupunta sa swing na iyon sa kalagitnaan ng gabi?
"Ayaw mo bang samahan kita?" Sagot ng lalake habang nakayuko sa lupa at idinuduyan ng bahagya ang swing. "Malamig ang hangin ngayon, masarap tumigil dito."
"Ano pa nga bang magagawa ko eh nakaupo ka na sa swing ko?" Ang nayayamot na wika ni Neli habang naglalakad papunta sa isang malaking bato para maupo. Dismayado siyang malaman na hindi siya makakaiyak sa pagkakataong iyon, gaya ng lagi niyang ginagawa tuwing pumupunta siya doon at idinuduyan ang sarili sa swing. Lalong bumigat ang loob niya na hindi niya maisisigaw ang nararamdaman niya nang walang makakarinig. Sa pagkakataong iyon, dapat kimkimin niya ang lahat sa dibdib niya at magkunwari sa harap ng lalakeng kanyang kasama.
"Bakit ba nakatalikod ka sa akin. Ayaw mo ba akong kausap? Gusto mo bang may makinig sa iyo? Handa akong makinig kahit ano. Kung gusto mo hindi ako magsasalita," anyaya ng lalake kay Neli.
"Pinaupo na nga kita sa swing ko gusto mo kausapin pa kita. Ni hindi nga kita kilala, ni hindi ko nga alam kung paano mo nalaman ang lugar na ito. At saka, ano ba ang pakialam mo sa akin?" Pabalang na sagot ni Neli habang pilit na pinipigil ang luha sa kanyang mata.
"Nanginginig na ang boses mo. Naiiyak ka na, ano? Sige na, ilabas mo ang nararamdaman mo, huwag mong pigilin." Mababakas sa boses ng lalake na nakangiti ito habang nagsasalita sa likod ni Neli.
Bahagyang napalingon si Neli sa lalake. Nakayuko pa rin ito at nakatalikod. Hindi niya kilala ang lalake, maging ang boses nito, pero bakit hindi siya natatakot at parang magaan ang pakiramdam niya? Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman.
"Hindi ko maintindihan..." tumulo agad ang luha sa mata niya bago pa man maituloy ang pangungusap. Ilang minuto ang lumipas na puro pigil na paghikbi ang maririnig, kasabay ng banayad na pag-ihip ng malamig na hangin sa gabing iyon. Nakatalikod pa rin sila sa isa't isa, si Neli sa malaking bato at ang lalake sa swing.
Ilang sandali pa at tumigil din siya sa pag-iyak. Nang makaramdam ng kaunting luwag sa dibdib, sinimulan niyang magkwento sa estrangherong lalake. "Bakit may mga taong manhid? Bakit hindi sila umuunawa? Pareho lang naman kaming tao pero bakit hindi nila ako maintindihan? Sinikap ko namang gawin ang makakaya ko, bakit mali pa rin ang nakikita nila? Sa paningin nila wala na akong ginawang tama. Kapag mali pinupuna nila. Kapag tama naman binabalewala nila. Minsan tuloy ayoko nang gumawa ng tama dahil mali pa rin naman ang makikita nila. Hindi ko naman kailangan ang papuri nila, ang gusto ko lang ay ang makita nila ang pagsusumikap ko. Masyado silang mapaghanap sa akin ng mga bagay na hindi naman nila itinanim mula sa pagkabata ko; mga bagay na hindi ko naman nakita sa kanila. Paano mo aanihin ang bagay na hindi mo inihasik? Paano magmamahal ang taong hindi pinakitaan ng pagmamahal? Hindi lang naman pera ang kailangan ko; pang-unawa, pagmamahal, mga bagay na hindi nabibili ng pera!" Muling nangilid ang luha ni Neli at sinimulan muling humagulgol. Mababakas sa kanyang pananalita ang matinding galit at kalungkutan na kahit siya ay hindi niya kayang labanan.
Naghintay na muli ang lalake ng pagkakataon hanggang tumigil si Neli sa pag-iyak. Nang makakita ng pagkakataon para makapagsalita, sinabi niya kay Neli, "Nakilala mo na ba ang lahat ng tao?"
"Hindi."
"Alam mo ba ang nasa puso nila?"
"Hindi."
"Eh paano mo nasabing wala nang nakakaintindi sa iyo? Isa pa tanungin mo ang sarili mo, paano ka nila iintindihin kung nagtatago ka? Pumupunta ka dito ng nag-iisa, sumisigaw na parang sira, umiiyak na parang baliw, may nakakaalam bang iba ng sakit na nararamdaman mo? Paano ka nila dadamayan kung gayon?"
Napatunghay si Neli mula sa pagkakayuko. Tama nga naman, madalas ay nagtatago siya sa mundo kapag masama ang loob niya. Lagi niyang ipinapakitang okay lang siya kahit na parang gusto niya nang magwala, kahit na pakiramdam niya ay parang dinudurog na ang dibdib niya.
Itinuloy ng estranghero ang sinasabi, "Kung sa palagay mo'y hindi mo kayang magmahal dahil hindi ka nakakita ng pagmamahal, anong ipapamana mo sa magiging anak mo? Gaya ng mga bagay na dinanas mo sa magulang mo? Poot? Sama ng loob? Luha? Gagawa ka rin ba ng taong magiging gaya mo sa katauhan ng mga anak mo? Kung gayon wala kang pinagkaiba sa mga taong kinagagalitan mo - naghahanap ng mga bagay na hindi ibinigay. Huwag kang magtaka kung ang magiging trato sa iyo ng mga anak mo ay gaya ng trato mo ngayon sa mga taong nakapaligid sa iyo.
Isipin mo, wala na nga bang ibang nagpakita sa iyo ng pagmamahal, o hindi mo lang nakikita ang pagmamahal na ibinibigay nila? Hindi malupit ang mundo sa iyo, ikaw ang malupit sa sarili mo. Pinapatay mo ang sarili mo sa makitid mong pang-unawa."
Nakaramdam ng galit si Neli sa matigas na pananalita ng lalakeng estranghero, "Wala kang karapatang magsalita sa akin ng ganiyan! Sino ka ba sa akala mo? Parang kaya mong basahin ang puso ko ah!"
"Nararamdaman ko ang nararamdaman mo, mas matindi pa nga ang dinanas ko sa binabata mo ngayon. Gayunpaman, hindi ako nawalan ng pag-asa at kailanman ay hindi ko inisip na hindi ko na kayang magmahal at magpaligaya ng iba. Naging malupit man ang tao sa akin, kinandili naman ako ng Dios."
Parang dinudurog na ang puso ni Neli habang pinapakinggan ang pangaral ng misteryosong lalake sa kanya. Gusto niyang harapin ito pero nahihiya siya, pakiramdam niya ay sasabog siya sa sobrang sama ng loob.
"Sino ka ba talaga, at paano mo nalaman ang lugar na ito? Ako lang ang tanging pumupunta dito, malayo ito sa maraming tao, dito ko natatagpuan ang panandaliang kapayapaan mula sa masikip na mundong kinabubuhayan ko," ang mahinang sabi niya sa lalake.
"Matagal na kitang gustong samahan pero lagi kang umiiwas. Gusto kong iparamdam na hindi ka nag-iisa pero lagi mo naman akong iniiwan. Alam ko ang lahat ng nararamdaman mo dahil minsan ko rin iyang dinanas. Alam ko ang bawat haka ng puso, ang lahat ng laman ng isip ng tao, nakikiusap ako sa Dios para bigyan ka ng pagkakataon kapag nagkukulang ka sa Kanya, ako ang tagapamagitan sa tao at sa Dios, at dahil sa iyo namatay ako sa krus."
Biglang napatayo si Neli sa pagkakaupo at mabilis na nilingon ang lalake sa kanyang likod. Ngunit wala siyang nakita kundi ang swing na madalas niyang upuan na bahagyang idinuduyan ng malamig na ihip ng hangin. Sa kaibuturan ng kanyang puso ay kilala niya ang lalake at ang lalo pang nagpakirot sa dibdib niya ay ang umaalingawngaw nitong sabi na, "Gusto kong iparamdam na hindi ka nag-iisa pero lagi mo naman akong iniiwan."
Napalupasay si Neli sa lupa na parang bata at umiyak nang malakas.
Pagmulat ng kanyang mata, nasa madilim na kwarto siya na bahagyang humihiram ng kaunting liwanag mula sa ilaw ng kalsada; nakahiga siya yakap ang kanyang unan. Bumangon siya at napangiti dulot ng kagalakang bigay sa kanya ng kanyang panaginip, kasabay ng pagtulo ng kanyang luha habang sinasabing, "Dios, salamat po, hindi pala ako nag-iisa."
Tuesday, January 23, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment